Patay ang anim na taong gulang na babae matapos na ma-hit and run ng isang SUV sa Baseco, Manila. Ang driver ng SUV, naaresto kalaunan.
Walang katumbas na salita ang sakit na nararanasan ng 25-anyos na ina ng Grade 1 student na si Jasmera, na namatay matapos umanong ma-hit and run ng isang SUV sa Baseco, Maynila noong October 30.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima na naglalaro sa gilid ng kalsada sa bahagi ng 2nd Street.
Maya-maya lang, isang itim na SUV ang biglang kumanan at nagulungan ang biktima.
Sa isa pang anggulo ng CCTV camera, kita na bahagyang tumigil ang SUV pero dumiretso rn at hindi hinintuan ang nakahandusay na si Jasmera.
Ayon sa ina ng biktima, kasama niyang nagtitinda ng mani ang anak. Nagutom umano ang bata kaya sandali siyang umalis para bumili ng pagkain.
Pero, pagbalik niya, nakahandusay na si Jamera.
"Kaisa isang anak lang po namin yun, hindi na po mababalik yun sir eh kahit sabihin na magbabayad sila. Buhay po yun, lalo na tulad sa akin, maysakit po ako hindi na po ako magkakaroon ng anak," ayon sa nanay ng biktima.
"Aminado po siyang nasagasaan niya yung anak ko. Ang masaklap don, nabunggo na niya ng isang gulong, sinundan pa po niya ng isang gulong," sabi ng ginang.
Naisugod pa ng kaniyang lola si Jasmera sa ospital pero hindi na siya umabot nang buhay.
Habang ang SUV na palabas na sana ng Baseco, naharang nga mga tauhan ng Manila Police District.
"Isang concerned citizen ang nagmamaneho ng motorcycle ang humabol sa sasakyan," sabi ni Police Major Joel Aquino.
"Taga-Baseco ito pong suspek
Ayon din kay Aquino, negative sa alcohol intoxication ang driver na suspek.
Lalo raw hindi matanggap ng pamilya ng biktima ang nangyari nang makausap nila ang kampo ng suspek.
"Hindi daw po sila natatakot makulong kasi P60,000 lang daw po yung piyansa," sabi ng nanay ng biktima.
"Bilang magulang masakit po yun eh," dagdag niya.
Itinanggi naman ito ng driver ng SUV, 41-anyos. Iginiit din niya na hindi niya napansin ang biktima at hindi rin daw niya tinakbuhan ang bata.
"May humps don at lubak-lubak yung kalsada na yun. Ang nasa isip ko noon, humps," ayon sa suspek.
"Actually, magpapa massage ako, kasi masakit yung dito ko sir eh noong time na yun," dagdag niya.
"Hindi po ako mayaman. Paano ako gagalaw eh nandito pa po ako sa kulungan," sabi pa ng suspek.
Na-inquest na ang driver ng SUV na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.
Habang nailibing na ang mga labi ni Jasmera sa Norzagaray, Bulacan. — Jamil Santos/BAP/FRJ GMA News
