Ang mga sumusunod ay pangyayari sa loob ng Resorts World Manila hating-gabi noong Huwebes, batay sa pagkakasalaysay ng “News To Go” umaga nitong Biyernes.

Huwebes, pasado hating-gabi

Nagkandarapa na lumabas ang mga panauhin ng hotel sa takot. Nagtakbuhan at tumalon ang ilan sa mga bintana. May mga nabalian at nasugatan habang tumatakas palabas. Isinugod sa mga ospital ang ibang nasugatan.

Isang armadong lalaki ang ilang beses nagpaputok ng baril sa ikalawang palapag ng gusali na isa ring casino. Walang pinapatamaan na tao ang suspek.

Ayon sa ilang nakasaksi, kinuha ng suspek ang pera sa lamesa ng casino.

Biyernes, 1:30 ng umaga

Namataan ang makapal na usok na nagmula sa itaas ng hotel. Sinundan ito ng pagdating ng firetrucks.

Pasado alas-2 ng umaga

Dumating sa lugar si Philippine National Police Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa. Nakaparada sa labas ng hotel ang isang armored personnel carrier.

Humarap din sa media ang mga kinatawan ng Resorts World Manila. Sinabi nila na hindi pa matukoy kung ano ang pagkukulang sa kanilang seguridad kung bakit nakapasok ang isang armadong panauhin.

Habang nag-iimbestiga ang mga pulis, lumabas ang isang balita na inako umano ng ISIS ang “pang-aatake sa hotel. Hindi naniwala ang PNP sa naturang ulat.

Pagnanakaw ang nakikita nilang motibo sa krimen dahil tinangay ng suspek ang isang bag na may milyun-milyong pisong halaga ng casino chips na isinilid ng suspek sa isang bag na kalaunan ay naiwan sa isang restroom.

Matapos ito, kinumpirma ni Dela Rosa na namatay ang suspek sa pamamagitan ng pagsunog sa sarili.

Dahil sa insidente, naantala ang ilang flights sa Ninoy Aquino International Airport na katapat lamang ng Resorts World Manila.

Sumunod naman ang paglabas ng travel advisory ng Estados Unidos at Australia.

Kasabay ng US advisory, ipinahayag ni US President Donald Trump na nakatutok siya sa insidente sa Pasay City.

Umaga nitong Biyernes, sa pinakahuling update ni PNP chief Dela Rosa, sinabing 54 ang dinala sa mga ospital ng dahil sa insidente, at 18 sa kanila ay naka-confine.

Isang security guard ng establisyimento ang nasugatan sa hita matapos aksidenteng mabaril ang sarili.

Biyernes, Pasado alas-12 ng tanghali, patuloy pa ring naka-lockdown ang Resorts World Manila. —LBG, GMA News