Natukoy na ng mga awtoridad ang grupo ng mga kabataan na na-videohang pinaglalaruan ang isang pawikan na napadpad sa bayan ng Catanauan, Quezon.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), aksidente raw na nalambat ng isang mangingisda ang pawikan habang papalapit ito sa baybayin upang doon posibleng mangitlog.
Pakakawalan na raw sana ang pawikan nang dumating ang grupo ng kabataan at pinaglaruan, tinapakan, at sinakyan ito.
Ang naturang pawikan na pinaglaruan ng mga bata ay isang green sea turtle, isang endangered species.
Pawang mga menor de edad ang mga salarin, at ayon sa mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), dahil dito posibleng hindi sila masampahan ng kaso.
Subalit, ayon din sa mga opisyal ng PNP at DENR, plano nila na isailalim ang mga kabataang ito sa isang seminar tungkol sa pangangalaga at kahalagahan ng mga pawikan at iba pang endangered species sa karagatan.
Miyerkules na nang magtungo sa police station sa Catanauan, Quezon ang grupo.
Sasailalim ang grupo ng kabataan sa intervention program ng DENR at pagtatanimin sila ng 10,000 na bakawan. — BAP, GMA News
