Nagtamo ng mga sugat sa kanang siko, kaliwang tuhod at paika-ika ngayong maglakad ang isang call center agent sa Pasay City matapos tangkaing hablutin ng mga salaring nakamotorsiklo ang kaniyang bag nitong Lunes ng gabi.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "News To Go," sinabing dumulog sa Pasay Police Station ang biktimang si "Abby," hindi niya tunay na pangalan, matapos niyang makaladkad ng 200 metro sa may kahabaan ng Buendia Avenue.

Maswerte namang naisalba ng biktima ang kanyang bag, na naglalaman ng kanyang cellphone at P16,000.

Ayon kay Abby, nag-aabang daw siya ng masasakyang taxi papasok sa trabaho nang sumulpot ang mga suspek. Pare-pareho daw silang tumumba nang nabigong agawin ng mga suspek ang kanyang bag.

"So yun nga nung dumaan sila sa harapan ko bigla nilang hinatak yung bag ko. It's just that nakaipit kasi siya sa kamay ko so pare-pareho kaming natumbang tatlo kasi dalawa yung nakamotor so pareho kami natumba. Nung pagtayo ko nakuha ko yung bag ko."

Matapos nito, muling nagtangkang agawin ng mga suspek ang bag bago tumakas.

"Im not sure what they were wearing like sa shorts ba or pants. But yung isang lalaki parang pareho silang moreno. Yung isa naka white tapos yung isa parang naka light blue o sky blue na t-shirt," ayon pa sa biktima.

Hindi naplakahan ang motorsiklo ng mga suspek na kapwa walang suot na helmet, at wala ring CCTVcamera sa pinangyarihan ng krimen.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa insidente. —Jamil Santos/NB, GMA News