Isang 23-anyos na babaeng tindera ang binaril sa ulo habang naka-livestream sa social media sa Barangay Sta. Ana, Taytay, Rizal. Ang nadakip na suspek, dating kinakasama ng amo ng biktima pero itinanggi niya ang krimen.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, ipinakita ang video footage ng biktima nang lapitan siya ng suspek mula sa likod at binaril nang malapitan sa ulo.

Isinugod sa ospital ang biktima na masuwerteng nakaligtas mula sa tinamong tama ng bala.

Naaresto naman ang suspek sa follow-up operation sa bahay nito sa Angono sa Rizal din.

Ayon sa pulisya, dating karelasyon ng suspek ang may-ari ng tindahan ng gulay kung saan nagtatrabaho ang biktima.

Ang biktima umano ang nagsusumbong sa amo nitong babae tungkol sa umano’y pambabae ng suspek na naging dahilan para magkahiwalay ang dalawa.

Bagaman aminado ang suspek sa kaniyang pambabae, itinanggi naman niya na may galit siya sa biktima, kaya hindi siya ang bumaril dito.

Mahaharap sa kasong frustrated murder ang suspek, habang sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat.—FRJ GMA Integrated News