Nakalambat, maaga nitong Huwebes ng umaga, ang mga mangingisda sa bayan ng Balatan sa lalawigan ng Camarines Sur ng isang malaking leatherback sea turtle.
Ayon sa mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), buhay na buhay ang babaeng pawikan, na tumitimbang ng 500 kilos at may haba na 1.75 metro.
Nalambat ng mga mangingisda ang pawikan sa karagatang sakop ng Barangay Pararao sa bayan ng Balatan.
Mas malaki raw ito sa unang napadpad noong July 20, 2018 sa pareho ding barangay.
Itinuturing ngayon ng BFAR ang bayan ng Balatan na "hotspot for marine turtles" dahil sa palagiang pagkakaroon ng mga napapadpad na pawikan dito.
Gayun din, itinuturing ang leatherback sea turtle na pinamalaki at pinamabigat na uri ng pawikan. Nabibilang narin ito sa mga species na "vulnerable" o yung mabilis na pagbaba o pagkaubos ng populasyon.
Dagdag ng mga taga-BFAR, patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang mga lugar sa bansa na madalas kinakikitaan ng leatherback sea turtle upang mabantayan ang mga ito.
Matapos masuri at matiyak na maayos ang kalagayan nito ay ibinalik na ito sa malalim na parte ng dagat. —LBG, GMA News
