Nauwi sa madugong engkuwentro ang paghahain ng search warrant sa isa umanong high-value target sa Taylo Street sa Brgy Pio Del Pilar, Makati City, nitong Miyerkoles ng gabi.

Pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency, Makati Police at Regional Drug Enforcement Unit ang nagsagawa ng operasyon laban sa suspek na si Rolando Abundo Jr alyas Bagyo, na isa umanong drug suspect.

Ayon sa awtoridad, nang ihahain na raw nila ang search warrant ay pinaputukan sila ni Abundo. Inubos daw ng suspek ang laman ng magasin ng kanyang baril.

ADVERTISEMENT

Napatay si Abundo sa loob ng kanyang bahay nang gumanti ng putok ang mga pulis samantalang dalawa sa kanyang mga kaanak ang sugatan, kabilang ang kanyang kapatid na tinamaan ng bala  sa paa. Hindi naman daw kritikal ang dalawa at naisugod na sa ospital para gamutin.

Ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde, high-value target daw si Abundo na taong 2016 pa hinahanap ng mga pulis. Sangkot daw ito sa drug trafficking at gun-for-hire services.

Kabilang sa mga nakuha mula sa bahay ng suspek ang humigit kumulang 500 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon, iba't ibang high powered firearms, mga bala ng grenade launcher, at drug paraphernalia.

Meron daw dalawang pending na kaso ng murder ang napatay na suspek. Miyembro rin daw siya ng criminal group kaya patuloy ang follow-up operations ng mga awtoridad para masukol pa ang iba niyang kasamahan.

Pinapunta naman sa presinto ang walong mga kamaganak at kapitbahay ni Abundo. Itinuturing sila ngayong persons of interest kaya iimbestigahan pa sila ng mga awtoridad.

Itinanggi nilang lahat na may alam sila sa mga krimeng kinasasangkutan daw ng suspek. —KBK, GMA News