Labis ang pasasalamat nina Ken Chan at Rita Daniela sa mga sumubaybay sa kanilang Kapuso hit afternoon series na "My Special Tatay." Dahil daw sa programa, maraming oportunidad ang nagbukas sa kanila ang isa na rito ang nakatakdang concert na gagawin nila sa US.

Sa Starbites report ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes,  sinabing dahil sa sobrang tinangkilik ng publiko ang kanilang tambalang "BoBrey," na hango sa kanilang karakter sa serye na sina "Boyet" at "Aubrey," may mga humihiling na dalhin ang kanilang love team sa labas ng serye.

"Yung mga Kapuso natin diyan sa Amerika, malapit na malapit na po tayong magkita mga Kapuso at papaligayahin po namin kayo ni Rita Daniela, at magkakantahan tayo diya," ani Ken.

Wala pang kompletong detalye na inilalabas kung saan sa US, kailan, at sinu-sino pa ang makakasama ni Ken at Rita sa concert. Gayunman, excited na ang dalawa na makasama ang mga Kapuso sa Amerika.

Matatandaan na nakapag-record na rin ng kanta sina Ken at Rita na may titulong "Almusal."

Samantala, inimbitahan din nina Ken at Rita ang mga manonood na huwag palalampasin ang natitirang mga araw sa kanilang serye na malapit nang magtapos dahil sa dami umano ng mga magaganap kina Boyet at Aubrey. --FRJ, GMA News