Nasagip ang isang 3-anyos na babae na nagdiriwang pa naman ng kaarawan matapos tangkaing dukutin umano sa Cagayan de Oro City. Ang mga nahuling suspek, gumagamit ng candy para akitin ang mga bata at ibenta umano sa mga dayuhan.
Nangyari ang insidente sa Barangay Bulua habang abala si Sheena, hindi tunay na pangalan, sa pagtatrabaho sa isang kapihan, ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles.
Hindi umano namalayan ng ginang na nawawala na ang anak hanggang sa mapansin ito ng tindero ng gulay.
"Sabi niya sa akin 'Saan ang anak mo?' Sabi ko 'Nandito lang,' paglingon ko, wala na. Tinanong ko siya, sabi niya kinuha ng mag-asawang nagkape kanina. Kaya tumakbo kami palabas," saad ni Sheena.
Pagkalabas, naabutan nila ang isang lalaki at isang babae na pumapara na ng sasakyan kasama ang kaniyang anak.
Nagsumbong agad sila sa pulisya at inaresto ang mga salarin.
"Based sa interogation na kinonduct natin dito sa dalawang suspek, 'yung babae po 'yung isa sa master mind po nito. Allegedly binibenta daw po nila 'yung bata sa mga foreigners," sabi ni Police Captain Jason Sto. Domingo, hepe ng Police Station 5.
Bukod sa paggamit ng candy bilang pang-akit sa mga bata, nagdadamit din ang mga suspek ng doble para madaling makapagpalit at malito ang sino mang humahabol sa kanila, ayon sa mga pulis.
Nakuha sa kanila ang tsekeng nagkakahalaga ng P75,000, mga gamit pambata at isang student ID.
Tinutukoy na ng pulisya kung nawawala rin ang batang nagmamay-ari ng naturang ID.
Hindi nagsalita ang lalaking suspek nang makapanayam ng media.
"Hiniram ko lang 'yun. Isasauli ko naman sa nanay niya," saad ng babaeng suspek.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
