Sa halip na magmukmok nang matigil ang mga show dahil sa COVID-19 pandemic, nag-isip muna ng ibang pagkakakitaan ang stand-up comedian na si Ate Gay. Ang pinasok niyang negosyo--siomai.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras," sinabing kabilang si Ate Gay, o Gil Morales sa totoong buhay, sa mga nagtatanghal sa comedy bar na Klownz at Zirkoh ni Allan K, na isinara na dahil pa rin sa pandemic.

Madalas din ang mga out of town shows ni Ate Gay, na natigil din dahil sa mga ipinatutupad na community quarantine at pagbabawal sa mass gathering.

"Sobrang lungkot ko. Kasi gabi-gabi akong nagtatrabaho, wala akong day-off. Minsan nga gabi-gabi, dalawa, tatlong performance ko, minsan galing pa ako sa isang raket tapos magpe-perform pa ako ng 12 to 1 sa Zirkoh tapos 1 to 2 sa Klownz. Minsan everyday 'yun. Biruin mo, kaya ang hirap," anang komedyante.

ADVERTISEMENT

Binago raw ng krisis nang husto ang buhay ni Ate Gay dahil wala rin siyang raket sa TV at pelikula.

Sinabi ni Ate Gay na unang beses niyang mawalan ng trabaho. Pero imbes na magmukmok, gumawa siya ng bagong sistema o routine sa bahay.

Pinilit ni Ate Gay na maging morning person at itinayo ang kaniyang food business sa  business sa Tondo, Maynila.

Bukod sa pagbebenta at mismong pagse-serve, kinakantahan pa ni Ate Gay ang kaniyang customers.

Kaya naman patok na agad ang kaniyang negosyo tatlong araw pa lang mula nang magbukas.

"Ang hirap-hirap ng buhay ngayon pero ang mga Pinoy ang hilig-hilig sa pagkain," saad niya.

Payo ni Ate Gay sa ibang katulad niyang naapektuhan ang trabaho dahil sa pandemic, "Ang maipapayo ko lang sa kanila ay aliwin natin ang ating sarili, sa pamamagitan kung ano mang talento meron tayo. Kagaya niyan ang talento ko ay ang pagluluto sa ngayon. Malay niyo po mas magaling kayong magluto." -- Jamil Santos/FRJ, GMA News