Ngayong 2021, inilahad ni Andrea Torres ang goals na gusto niyang ma-achieve pa, at ang mga bagay na aalisin na niya sa kaniyang buhay.

"Ako always ko naman pong goal talaga is maging mas mabuting artista, mas maging magaling sa craft ko. Hopefully talaga, ma-achieve natin 'yan dito sa soap na ginagawa ko ngayon. Na may maipakita naman akong bago rin sa kanila," sabi ni Andrea sa GMA Regional TV Live.

Gusto ni Andrea na masubukang mag-travel alone, mapalawak pa ang negosyo nila ng kaniyang ina, at matuto siyang mag-bake.

"'Yun ang gusto ko talagang gawin, makagawa ako ng bread, maka-bake ako ng cake. 'Yung mga ganu'ng bagay kasi mga simpleng bagay na ganiyan nagpapasaya talaga sa akin," saad ng Kapuso actress.

Inihayag naman ni Andrea ang bago niyang skill.

"Meron pa pala akong ishe-share. Natuto na akong mag-drive, isa 'yan sa mga bagong skills ko! Ang tagal ko nang pinlano 'yan na gusto kong mag-driving school pero lagi siyang nauudlot kasi laging nasasabayan ng project. Pero ngayon finally nagawa ko na siya."

"Ang isa ko ring plano is mag-drive lang somewhere and then kung saan ko lang maisipang mag-stop, magkakape ako doon, kakain ako roon, relax lang. So [I'm] excited! Tingnan natin kung saan ako makakarating," pagpapatuloy niya.

May mga bagay din na gusto nang bawasan ni Andrea sa kaniyang buhay.

"'Yung pagkain ko ng too much sweets, 'yan talaga. As in every year 'yan ang problema ko, grabe akong kumain ng sweets. Kailangan ko talagang i-lessen na 'yan."

Biro ni Andrea: "Kung willing akong i-give up ang lahat, basta magkaroon lang ako ng extra slice of cake. Hahaha!"

Kasama si Andrea sa cast ng bagong Kapuso series na "Legal Wives," na tumatalakay sa kultura ng mga Muslim.

Karakter ni Andrea si Diane, isa sa mga asawa ng karakter ni Dennis Trillo na si Ishmael Macadato.

Kasama rin niya sina Alice Dixson at Bianca Umali, na gaganap bilang ang iba pang asawa ni Dennis. -