Bukod sa pagiging anak ng matinee idol na si Jestoni Alarcon, kilala rin si Angela Alarcon sa kaniyang angking ganda. Ano nga ba ang kaniyang sikreto sa kaniyang healthy at glowing skin?

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing pinahahalagahan ni Angela ang self-love at self-care.

Kaya naman hindi mawawala sa kaniyang daily routine ang exercise at pagkain ng healthy foods, kahit pa nasa quarantine o lock-in taping.

ADVERTISEMENT

"Maraming gulay. Tapos I drink a lot of water and workout lang. Tapos content creating kasi is one of my passions din so kapag nagwo-work ako, kapag nag-e-edit, nagpo-post ako ng videos, ang saya-saya ko. I guess doon lang din lumalabas 'yung pagiging blooming," sabi ni Angela.

Pangalawa, hindi rin niya nalilimutang mag-cleanse lalo kapag naglagay ng makeup.

Pangatlong beauty hack ni Angela, nagpapahid siya ng tsaa sa mukha bago matulog, bukod sa paglalagay ng moisturizer.

"'Yung tsaa nilalagay ko sa ref tapos trinatry ko siyang palamigin. Kapag lumamig na 'yung tsaa, alam mo 'yung tea bag? Ilalagay ko siya sa mata ko, tapos refreshing na siya, hindi mo na kailangang bumili ng face mask. Nakaka-relieve siya ng stress tapos nakawawala siya ng eyebags lalo na kapag puyat ka sa taping," sabi ni Angela.

Mapapanood si Angela sa upcoming episodes ng My Fantastic Pag-ibig: Sakalam at Maganda kung saan gaganap siya bilang si Maganda.

Gayunman, wala siyang leading man.

"She got so used of being sunud sunuran lang ni Malakas, which is 'yung husband niya. Pero there will come a point I will find my own path and that is through independence and woman empowerment," sabi ni Angela. — Jamil Santos/VBL, GMA News