Inihayag ni Marian Rivera na umaasa siyang masusundan pa ng baby number three ang mga anak nila ni Dingdong Dantes na sina Zia at Ziggy.

Sa isang panayam, tinanong ni GMA News reporter Lhar Santiago si Marian kung ano ang paborito nitong "tadhana" story nila ni Dingdong.

"Para sa akin siguro, simula umpisa, hanggang huli na may anak kami hanggang ngayon, ay lahat 'yon gusto ko," sagot ni Kapuso Primetime Queen.

"Hanggang sa maging tatlo na ang anak, 'di ba?" biro naman ng Kapuso reporter.

"Praying ako diyan tito Lhar," sagot ni Marian.

"Kung bigyan uli, eh 'di thank you at binigyan ulit ng pagkakataon. Pero kung dalawa lang talaga, aba'y walang tulak kabigin diyan, sobrang thank you, thank you na riyan sa dalawang anak ko na 'yan," dagdag ng aktres.

Sa ngayon, alangan daw si Marian na isalang na ang kaniyang mga anak sa face-to-face classes.

"Actually may survey sa school kung papayag kami na 'yung anak namin ay mag-school na. Nag-usap kami ni Dong, for me, medyo tagilid pa rin sa akin 'yun as long as hindi pa nava-vaccine. Kaya praying kami, for sure hindi lang ako, lahat ng mga nanay na sana magkaroon din ng vaccine for the kids para at least may panglaban sila kung lumabas man sila," ani Marian.

Ika-apat na taon na ng Kapuso drama anthology ni Marian na "Tadhana." -NB, GMA News