Daan-daang libong pisong halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska sa iba’t-ibang bahagi ng Bulacan at Mountain Province, ayon sa ulat ni Corinne Catibayan sa Unang Balita nitong Miyerkules.

Sa Malolos City, Bulacan, mahigit P720,000 na halaga ng droga at ilegal na baril ang nakumpiska sa buy-bust operation na isinagawa ng mga pulis noong Lunes.

Ang suspek na si Alejandro Paloma alyas Negro ay nag-alok pa raw ng baril sa nagpanggap na buyer.

ADVERTISEMENT

Ayon kay Paloma, dalawang buwan pa lamang siya nagtutulak ng droga na kinukuha niya sa Maynila.

Arestado naman sa Baliuag, Bulacan ang isang babae matapos mahulihan ng P170,000 na halaga ng party drugs.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang suspek na si Maria Isabel Lim.

Labindalawang lokal na turista naman ang naaresto ng PDEA sa Sadanga, Mountain Province matapos mahulihan ng halos P1 million na halaga ng hinihinalang ipinagbabawal na droga noong Martes.

Walong bloke ng hinihinalang marijuana na mahigit walong kilo ang timbang ang nakumpiska ng PDEA.

Hawak na ng PDEA-Mountain Province ang mga suspek. — Jiselle Anne Casucian/VBL, GMA News