Timbog ang tatlong lalaki matapos silang maaktuhan sa pag-"chop-chop" o pagkalas-kalas ng isang taxi sa Mangaldan, Pangasinan.Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, inilahad ng may-ari ng taxi na kinuha ng bago nilang driver ang sasakyan sa kanilang bahay sa Caloocan City nitong Sabado.Mula Linggo hanggang Lunes, bigo na ang mag-asawa na ma-contact ang bagong driver.Kalaunan, natuklasan nilang inalis ang global positioning system o GPS ng taxi.Pero sa tulong ng pulisya, natagpuan nila ang taxi sa isang bentahan ng spare parts o katayan ng mga sasakyan sa Barangay Navaluan sa Mangaldan.Nahaharap sa mga kaukulang reklamo ang mga suspek, na tumangging humarap sa camera at magbigay ng pahayag. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News