Nailigtas mula sa pumalyang elevator sa isang gusali sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig City ang anim na indibidwal kaninang umaga.

Sa ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo dzBB, naganap ang insidente kaninang mga alas kuwatro ng madaling araw, matapos itawag ng BGC command center sa Taguig City Fire Station.

Ayon kay Bureau of Fire Protection-Taguig City Fire Station Fire Officer 1 Aireen Marie Laguna, agad rumesponde ang siyam na personnel ng Taguig BFP, at mabilis na nagsagawa ng "scene size-up" para alamin kung paano pumasok sa nagka-aberyang elevator. Nakipag-ugnayan din sila sa mga nangangasiwa ng gusali.

Sa tulong ng maintenance team ng gusali, maingat na pinutol ng mga rescuer ang bahagi ng itaas ng parte ng elevator car sa ikalawang palapag para makagawa ng ligtas na daan palabas.

Ayon kay Laguna, makalipas ang higit isa't kalahating oras, ligtas na nailabas ang mga na-trap na indibidwal. Binigyan din ng paunang atensyon-medikal ang mga biktima, kabilang ang isa na nasabing nawalan ng malay. — BM GMA Integrated News