Nakunan sa video ang away ng dalawang tricycle driver sa kalsada kung saan isa sa kanila ang nasaksak sa Provincial Road sa Antipolo City. Ang ugat ng kanilang alitan, ang P5,000 na utang ng biktima sa nanaksak na suspek.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang video ng away ng dalawang tricycle driver sa Barangay San Jose nitong Huwebes.

Dahil sa sigawan at habulan ng dalawa, bahagyang bumagal ang daloy ng mga sasakyan.

May hawak na tubo ang biktimang tricycle driver, habang may hawak na kutsilyo naman ang isa pang tricycle driver. Kalaunan, ang biktimang hawak ng tubo matapos siyang masaksak sa kaliwang daliri.

“Nadatnan namin nag-aaway na nga, may pasahero pa sila na buntis, mag-asawa. Kinuha na kaagad namin 'yung kanilang mga armas. Maayos naman po na binigay nila 'yung kanilang mga armas, 'yung tubo at saka 'yung kutsilyo na matalas,” sabi ni BPSO Fernando Saband ng Barangay San Jose Antipolo.

Gayunman, hindi pa rin tumigil ang alitan ng dalawang tricycle driver.

Ang pinag-ugatan umano ng kanilang away, ang P5,000 na utang ng biktima sa tricycle driver na nanaksak.

“Itong suspect ay allegedly binayaran itong biktima ng paunang bayad o down payment sa binibiling tricycle,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Mark Henry Garcia, Antipolo Chief of Police.

Hanggang sa walong buwan na umanong sinisingil ng suspek ang biktima.

“Mukhang walang pambayad itong ating biktima. Mukhang nagastos. ‘Di umano nagastos 'yung na-down na pera doon sa pambili ng tricycle. Kaya itong ating suspect ay nagkaroon ng galit dito sa ating biktima,” sabi ni Garcia.

Nadakip ang nanaksak na tricycle driver, na sinampahan ng reklamong attempted homicide.

“Talagang may utang po sa akin. ‘Yun lang po. Para sa boundary ng hulog ko sa motor, tricycle ko. Okay na po yun ma'am. No comment na po,” sabi ng nanaksak na tricycle driver.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makunan ng panig ang biktima.

Patuloy ang pag-iimbestiga ng pulisya sa insidente. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News