Isang 14-anyos na Grade 9 student ang nagtamo ng sugat matapos suntukin ng kapwa estudyante gamit ang brass knuckles sa Santa Barbara.
Batay sa CCTV footage na nakuha ng GMA Regional TV at iniulat sa Unang Balita nitong Martes, makikitang tumatawid sa kalsada ang ilang estudyante.
Ilang sandali pa, bigla umanong sinuntok ng isang lalaki ang isa sa mga tumatawid.
Bumagsak ang biktima habang agad namang tumakas ang nanuntok.
Nagtamo ang biktima ng sugat malapit sa bibig at sa ulo dahil sa pagkakabagsak.
Nagharap na ang dalawang panig sa barangay.
Umamin ang 17-anyos na suspek at ipinaliwanag na inutusan lamang umano siya ng isa pang estudyante na sinasabing binully ng biktima.
Ayon naman sa biktima, may nakaalitan siya noon ngunit iginiit niyang gumanti lamang siya.
Naipaalam na ang insidente sa Municipal Social Welfare and Development Office.
Wala pang opisyal na pahayag ang Santa Barbara National Comprehensive High School hinggil sa insidente.
Hinihintay naman ng Schools Division of Iloilo ang ulat mula sa paaralan.—MCG GMA News
