Tinitingnan ng Philippine National Police ang posibilidad na maaaring naimpluwensiyahan ng online game na GoreBox ang marahas na pag-uugali ng isa sa dalawang menor de edad na suspek sa pamamaril na kumitil sa tatlo noong Lunes sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Sa panayam sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabi ni Jayson Capoy, director ng Police Regional Office sa Eastern Visayas, na naglalaro ng GoreBox ang 14-anyos na suspek.
Isa itong sandbox-style na laro kung saan maaaring lumikha at sumira ng mga bagay at magdulot ng kaguluhan gamit ang iba’t ibang armas.
Sinusuri rin ng mga imbestigador ang mga ulat na posibleng nag-ugat sa pambu-bully ang pag-atake, batay sa mga unang pahayag ng mga suspek.
Nilinaw ni Capoy na nananatili sa tatlo ang bilang ng mga nasawi, habang 20 iba pa ang nasugatan. Sa bilang na ito, 15 ang nagtamo ng tama ng bala, habang ang iba ay nasugatan habang sinusubukang tumakas, ayon sa pulisya.
Pumasok umano sa dalawang silid-aralan ang dalawang suspek, edad 14 at 15, kapwa Grade 9 students at sinasabing malalapit na magkaibigan, at pinaputukan ang kanilang mga kaklase bago sila naaresto.
Narekober ng pulisya ang isang Glock pistol at isang .38 revolver mula sa pinangyarihan ng insidente. Naiulat na ang isa sa mga baril ay nakarehistro sa isang kamag-anak ng isang pulis, na kasalukuyang iniimbestigahan.
Mula noon, nakipag-ugnayan na ang Department of Education sa mga lokal na awtoridad at mga ahensiya ng social welfare upang magbigay ng medikal at psychosocial na suporta sa mga apektadong estudyante at mga tauhan ng paaralan.
Samantala, ipinag-utos ni Ferdinand Marcos Jr. ang isang masusing imbestigasyon at ang pagpapatibay ng mga hakbang sa seguridad sa mga paaralan at iba pang pampublikong lugar.—MCG GMA News

