Dahil sa pagyanig ng lupa, lumitaw sa katubigan ng Babuyan Islands sa Cagayan ang isang bulkan na tinawag na Didicas Volcano Island, na itinuturing ngayong pinakabatang pulong bulkan sa Pilipinas. Pero ligtas na nga ba itong puntahan?

Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, itinampok ang content creator na si Joseph “Sef” Pasalo, na nakapunta na sa Didicas Volcano Island.

“‘Yung mga pinupuntahan namin dati ay mga tourist attraction. Unti-unti na rin kaming naitulak doon sa mga liblib na lugar na may mga natatagong ganda,” sabi ni Sef.

Madalas niyang kasama sa kaniyang mga biyahe ang kaniyang live-in partner na si Annabel Prisno.

Unang narinig ni Sef ang tungkol sa Didicas Island matapos siyang makapunta sa Babuyan Claro, isa ring active volcano sa Babuyan Group of Islands.

Batay sa tala ng PHIVOLCS, noong 1700s pa unang namataan ang Didicas Volcano, na noon ay nasa ilalim pa ng dagat bilang isang underwater o submarine volcano.

“Lumalaki po ito at lumalawak dahil patuloy ang pag-usbong nito mula sa ilalim ng lupa, kung saan itinutulak ng magma ang mga bato sa ilalim ng dagat,” paliwanag ni Dr. Raymond Patrick Maximo.

Unti-unti umanong lumitaw sa ibabaw ng dagat ang Didicas Volcano noong 1856 dahil sa madalas nitong pagputok noon. Taong 1978 nang huli itong sumabog.

Hindi biro ang pagpunta sa Didicas Volcano. Apat na araw ang biyahe nina Sef pa-Cagayan bago tumuloy sa Camiguin de Babuyanes, ang pinakamalapit na bayan at nagsilbing takeoff point papunta sa pulong bulkan.

Pahirapan ang cellphone signal at wala ring suplay ng kuryente sa Camiguin de Babuyanes.

Tanaw na mula rito ang Didicas Island, pero malalaki ang alon lalo na kapag may bagyo, at may ilan nang mangingisdang hindi pinalad sa laot.

Matapos ang halos dalawang oras na biyahe sa dagat, natanaw na ni Sef ang kaniyang sadya—ang Didicas Volcano Island.

Sa pagtapak pa lang sa lupa nito, agad nang mararamdaman ang mainit na buga ng buhangin kaya kinailangan nilang ilipat ang mga gamit na may baterya sa mas malamig na bahagi ng pampang.

Mapapansing hindi pa ligtas tirahan ang isla. May mga bahagi pa ng bulkan na patuloy na naglalabas ng steam o usok, habang ang mga patay na isdang inaanod sa dalampasigan ay mabilis na natutuyo o nabibilasa.

Maya’t maya rin ang pagguho ng lupa sa pulong bulkan. At kapag pinakinggan ang lupa, tila may kumukulong tubig sa ilalim.

Ang guide nina Sef na si Alvin ay minsan nang nakaakyat sa tuktok ng Didicas Volcano. Ngunit ikinagulat niya na marami nang tumutubong buhay na halaman sa loob nito.

Bahagi ang Didicas Volcano ng Babuyan Volcanic Chain, isang grupo ng mga active volcano sa Babuyan Islands. Kabilang dito ang Smith Volcano, Babuyan Claro, at Camiguin de Babuyanes.

Silipin sa KMJS ang ganda ng Didicas Volcano Island, at alamin ang paliwanag ng mga awtoridad kung bakit hindi pa ito ligtas tirahan.—MCG GMA News