Nadakip sa Barangay Bignay, Valenzuela City ang isang senior citizen dahil sa pagpatay sa kaniyang dating amo makalipas ang halos 25 taon na pagtatago. Ang akusado, dumipensa lang umano matapos paghinalaan ng biktima na siya ang pumatay sa aso nito.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang pagsugod ng pulisya sa isang bahay sa Bypass Road nitong Miyerkoles sa hudyat ng tawag ng mga operatiba.
Nahanap ng mga awtoridad ang lalaking senior citizen na subject ng dala nilang warrant of arrest dahil sa kasong pagpatay sa kaniyang amo noon pang 2001.
Sinabi ng pulisya na halos 25 taon na nagtago ang akusado.
“Ni-revive ng court natin. Last month nag-issue sila ulit ng warrant of arrest. June 23 nagsimula na ‘yung surveillance namin doon sa address na nakalagay kung saan nahuli ‘yung isa sa mga suspek. Kaya namin natuntun 'yung suspek ngayon sa murder incident noong 2001,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Reyson Bagain, chief ng San Jose del Monte Police.
Sinabi ng pulisya na kumukuha ng panindang binatog ang akusado at kaniyang anak sa biktimang negosyante.
Simpleng away magkapitbahay umano ang pinag-ugatan ng krimen, matapos komprontahin ng 44-anyos noong biktima ang lalaki at tatlong iba pa matapos siyang maghinalang sila ang pumatay sa kaniyang aso.
Tinungo pa umano ng biktima ang akusado sa bahay nito para kumprontahin, hanggang sa humantong umano sa pananaksak ang kanilang away.
“Noong paalis na 'yung victim natin during the confrontation, pagtalikod niya, hinabol ng mga suspects natin ng stab,” ani Bagain.
Sinabi ng akusado na nagawa niya ang krimen para sa kaniyang anak na nauna umanong pinagbuntunan ng galit ng biktima.
“Hindi ko na po sana siya papatulan kaso po pumunta siya sa bahay namin, naghahamon at nambato. Bigla po akong pinormahan ng karate. May dala ako sir, binunutan ko na po,” sabi ng suspek.
Tila nabunutan naman ng tinik sa dibdib ang asawa ng biktima matapos madakip ang pumatay sa kaniyang asawa.
“Sobrang hirap namin noon sir. Kasi maliliit pa 'yung mga anak ko. Nag-aaral pa sila. Ngayon naaresto na po 'yung suspect, makakamit na namin ang hustisya. Nagpapasalamat po ako sa lahat ng mga pulis na tumulong po sa amin,” sabi ng asawa ng biktima.
Nakabilanggo na sa San Jose del Monte Police Station ang akusado, na nahaharap sa kasong murder.
Naibalik na rin sa Malolos RTC ang kaniyang warrant at hinihintay na lang ang commitment order. — Jamil Santos/VBL GMA News
