Natagpuang patay nitong Martes sa isang bangin sa Southern Leyte ang isang dating bise alkalde at ang kaniyang anak na ilang araw nang nawawala matapos dukutin noong June 27, 2026. Sa isinagawang operasyon ng mga pulis, tatlong suspek ang naaresto sa Pasay City.

Sa ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkoles, sinabi ni PNP-AKG chief Police Brigadier General Edwin Balles, na naaresto ang tatlong suspek nitong Martes ng umaga matapos ang negosasyon at koordinasyon sa pamilya ng mga biktima.

Sa imbestigasyon, lumitaw na dinukot ng mga suspek ang dating bise alkalde ng Abuyog, Leyte at anak nito sa kanilang warehouse sa Barangay Santa Cruz noong June 27.

Pero nitong Martes din ng umaga, nakita ang bangkay ng mag-ama sa isang bangin sa Barangay Imelda, Silago, Southern Leyte.

Iniulat na ang pagdukot at pagpatay ay nag-ugat sa alitan sa pagitan ng isa sa mga suspek at ng dating bise alkalde kaugnay ng hindi nabayarang utang.

Nauna nang humingi ng tulong sa pulisya ang kinakasama ng isa sa mga biktima noong gabi ring naganap ang pagdukot.

Sa hiwalay na panayam sa dzBB, sinabi ni Balles na isasailalim ang tatlong suspek sa kustodiya ng Mayorga Municipal Police Station at ng Leyte Police Provincial Office. – Mariel Celine Serquiña/FRJ GMA News