Magandang balita sa mga Pinoy nurse dahil nangangailangan ng mga katulad nila ang Japan at Germany, ayon sa GMA News "24 Oras."

Sa ulat ni JP Soriano nitong Biyernes, sinabing sa job fair ng Japanese Embassy, mahigit 35 kompanya mula sa Japan ang nangangailangan ngayon ng mga Pilipinong  nurse.

Naghahanap din umano ang mga kompanya ng mga caregiver, translator, data encoder at iba pa.

Gayunman, ang naturang trabaho ay bukas lang sa mga Pinoy na nakapagtrabaho na sa Japan at natapos ang kontrata sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement o JPEPA.

Nangangailangan din ang mga Japanese company ng mga skilled worker sa medical, manufacturing at BPO industries na ang karamihan ay dito mismo sa Pilipinas magtatrabaho.

Samantala, inihayag naman ng Philippine Overseas Employment Administration na may may job order na rin ang Germany para sa mga Pinoy nurse.

Sa susunod na buwan ay malalaman na umano nila kung ilang nurse ang kakailanganin ng Germany.

Hinikayat ng POEA ang mga interesado sa Germany na bisitahin ang kanilang website at magrehistro on-line.

Para naman hindi mabiktima ng mga illegal recruiter, nagpaalala rin ang POEA na tingnan sa kanilang website kung accredited ang mga manpower agency at kung lehitimo ang mga job order ng kompanya. -- FRJ, GMA News