Nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte ang Filipino death row inmate na si Mary Jane Veloso na tulungan siyang makatestigo laban sa taong nanlinlang umano sa kaniya para magdala ng droga sa Indonesia.
"Pangulong Duterte, buong puso po akong humihingi ng tulong sa inyo para payagan akong magtestigo sa kaso ni [Maria] Cristina Sergio doon sa Pilipinas para maibunyag ang katotohanan at maparusahan ang taong talagang may kasalanan," sabi ni Veloso sa kaniyang audio message kay Duterte.
"Alam ko po na galit po kayo sa droga at gustong mapuksa ang sindikato ng droga para sa kabutihan ng ating bansa at kaligtasan ng ating mga kabataan. Pero paano po ninyo masusugpo ang lahat ng may kaugnayan sa droga kung ganito?," patuloy niya.
Nitong nakaraang linggo, naglabas ng desisyon ang Court of Appeals (CA) sa Pilipinas para hadlangan ang pagtanggap ng testimonya ni Veloso mula sa piitan sa Yogyakarta laban kina Maria Cristina Sergio at sa live-in partner nitong si Julius Lacanilao.
Sa naturang desisyon, binaliktad ng CA ang naunang pasya ni Judge Anarica Castillo-Reyes ng Sto. Domingo, Nueva Ecija Regional Trial Court, na tanggapin ang testimonya ni Veloso.
Giit ng CA, dapat personal na dumalo si Veloso sa pagdinig ng korte para ibigay ang kaniyang testimonya at maisailalim siya sa cross examination.
"We find that the petitioners have sufficiently established that the respondent judge has committed grave abuse of discretion when it granted the subject motion," sabi sa pasya ng CA.
Ayon sa mensahe ni Veloso kay Duterte, hindi malalaman ng publiko ang katotohanan kung hindi siya makakatestigo laban kina Sergio at Lacanilao.
"Pangulong Duterte, nasa kamay po ninyo ang kaligtasan ng aking buhay. Hindi po ako nawawalan ng pag-asa na makakamtan ko ang katarungan kasi kasama ko po ang Diyos sa laban pong ito. At hanggang kailanman hinding hindi ko aakuin ang kasalanang hindi ko ginawa," panawagan niya.
"Pangulong Duterte lubos po akong umaasa na pagbibigyan po ang aming kahilingan na payagan na tumestigo para mapatunayan ko po na wala akong kasalanan," dagdag ni Veloso.
Nakatakda sanang bitayin si Veloso sa Indonesia noong 2015 pero hindi ito itinuloy para mabigyan siya ng pagkakataon na patunayan ang kaniyang pagiging inosente sa kaso.
Sinabi naman ni Atty. Edre Olalia ng National Union of People's Lawyers (NUPL), na kumakatawan kay Veloso at sa pamilya nito, na nagpahayag na sina Sergio at Lacanilao sa korte noong 2015 na nagpapatunay na hindi alam ng kaniyang kliyente na may lamang droga ang dala niya bagahe papuntang Indonesia.
Sa sinumpaang salaysay ni Sergio na may petsang May 18, 2015, nakasaad na, "Ako ay buong pananalig at naniniwalang inosente si MARY JANE VELOSO sa kasong pagdadala ng illegal na droga na mula Malaysia patungo ng Indonesia kung saan kinakaharap niya ang parusang bitay sa Indonesia."
Sinabi ni Olalia na maaaring hilingin ni Duterte sa pamahalaan ng Indonesia na mabigyan ng executive clemency si Veloso para makalaya.
Hindi rin naman daw ito magiging taliwas sa kampanya ni Duterte laban sa droga dahil pinoprotektahan lamang niya ang isang kababayan na biktima ng iligal na droga.
Noong 2015, nakakita ng basehan ang Department or Justice para sampahan ng reklamong illegal recruitment, qualified trafficking at estafa sina Sergio at Lacanilao. -- FRJ, GMA News
