Kabilang ang mga engineer, nasa healthcare at IT professionals sa mga trabaho sa abroad na may mga pinakamatataas na sahod noong 2017, ayon sa isang ulat ng jobs portal na WorkAbroad.Ph.
Ipinakita na sumusuweldo umano ang mga US-based ship masters ng P99,000 kada buwan, samantalang sumusuweldo ang mga chief engineer ng P96,000 kada buwan, at ang mga chief officer naman ay P92,000 kada buwan, ayon sa ulat ng site nitong Miyerkoles.
Kumikita naman ang mga land-based engineers kada buwan ng P57,000 sa Middle East, at P59,000 kada buwan sa Asia-Pacific kung saan sila in demand.
Samantala, kumikita naman ang mga pediatrician sa Middle East ng aabot sa P86,000 kada buwan; ang mga nurse ay hindi bababa sa P65,000 kada buwan; at mga beterinaryo ay P58,000 kada buwan.
Ang mga IT professional na walang isang taon ang karanasan hanggang apat na taon ang karanasan ay binabayaran ng P54,000 kada buwan sa Asia-Pacific region.
Sa US at sa Middle East, pinaka kailangan ang mga engineering-related na trabaho, general work, at food, beverage at restaurant service.
Highly in-demand din sa Asia-Pacific ang mga trabahong may kaugnayan sa engineering, na sinundan naman ng general work at trabaho sa manufacturing at production operations.
Mataas din ang demand ng mga trabaho na may kaugnayan sa engineering sa rehiyon ng Asia-Pacific, na sinundan ng general work at manufacturing at production operations.
In demand ang skilled workers
Nananatiling most in-demand ang mga skilled worker sa overseas, samantalang kailangan ng mga inhenyero sa professional category.
Sa Middle East, maraming bukas na trabaho para sa mga drayber at electricians, pati na rin sa auto, plumbing, refrigeration, maintenance, at air-conditioning technicians. Marami rin ang hiring para sa mga cook, waiters at waitresses, barista, mga mekaniko, at electrical technicians.
Sa Asia-Pacific, may mga trabaho rin para sa mga welder, mga karpintero, caretakers, mga technician, manggagawa sa pabrika, technical operators, household service workers, at production at machine operators.
Maaaring kumita ng top dollars sa US ang mga inhinyero na nakabase sa dagat, samantalang kailangan din ng mga cook, fitters, stewards electricians, able seamen, at waiters at waitresses.
Top 10 deployment destinations
Nangunguna ang anim na bansa sa Middle East bilang "destination countries" para sa mga OFW sa listahan ng WorkAbroad.Ph.
Saudi Arabia- 61,534 ang kabuuang job advertisements sa website
Qatar-16,083
United Arab Emirates-7,231
Kuwait-5,310
Bahrain-3,725
Oman-3,661
Kabilang pa sa top 10 ang mga sumusunod na bansa:
Malaysia-1,994
Taiwan-861
Estados Unidos-3,017
New Zealand-1,190
Edukasyon sa Teknolohiya
Dahil in-demand ang mga skilled worker, pinayuhan ng WorkAbroad.Ph ang mga OFW na kumuha ng mga skills-based courses sa mga institusyong technical-vocational.
Pinayuhan din ang mga naghahanap ng trabaho na magkaroon ng karanasan sa trabaho bago mag-apply dahil karamihan sa mga openings sa site ay nangangailangan ng karanasan.
Kailangan din daw maging "work-abroad ready" ang mga aplikante at kailangan nilang maging pamilyar sa mga bansa na kanilang patutunguhan.
Ayon sa 2016 Survey on Overseas Filipinos ng Philippine Statistics Authority, may tinatayang 2.2 milyong OFW sa ibang bansa.
Inaasahan pang tataas ang bilang ng OFWs dahil nagbukas na rin ang Japan, Taiwan, at New Zealand ng trabaho sa mga Pilipino, at lumagda ng landmark agreements ang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang palakasin ang karapatan ng mga migrante.
Patuloy na tumataas ang mga remittances ng mga overseas Filipinos sa 2017, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Tumaas naman ang mga personal remittances, o transfers in cash and in kind ng 3.2% sa $2.526 bilyon sa katapusan ng Nobyembre mula sa $2.448 bilyon noong isang taon.
Tumaas ang mga cash remittances ng 5.1% sa $2.262 bilyon mula sa $2.217 bilyon noong isang taon din.-- Rie Takumi, Jamil Santos/FRJ, GMA News
