Dahil naghahabol sa oras sa nalalapit na pagtatapos ng amnesty program ng Kuwait, nagbabahay-bahay na ang Rapid Rescue Team ng Department of Foreign Affairs para sagipin ang mga OFW na minamaltrato umano ng kanilang mga amo.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang video footage sa magkahiwalay na operasyon na ginawa ng RRT para patagong kunin ang dalawang OFW na kabilang sa mga nagpasaklolo sa DFA.
Ang mga tauhan ng RRT, nasa loob ng sasakyan habang inaabangang ang paglabas sa bahay ng OFW na kanilang sasagipin. Kailangan maging mabilis ang pagkilos dahil tumatakas lang ang mga OFW sa kanilang amo.
Ayon sa Philippine embassy sa Kuwait, nagpapatuloy ang pinaigiting nilang kampanya para matukoy ang lugar na kinaroroonan at masagip ang OFW na kailangan ng tulong.
Ang ginagawa umano ng RRT, pumupunta sa mga address na ibinibigay ng mga nagpapasaklolo, at saka pakikiusapan ang kanilang mga amo na ibigay sa kanila ang mga domestic workers.
Pero kapag nakitaan ng sugat, pasa at iba pa ang OFW, kaagad na tatawagan ng team ang Kuwaiti police at ang embassy para ang mga ito ang kukuha sa sasagiping OFW.
Kailangan umano ang tulong ng pulisya ng Kuwait sa rescue operation pero may mga pagkakataon daw na kailangang magsolo ng RRT lalo na kung ang reklamo ay pangmamaltrato at sexual abuse.
Kaugnay nito, dumating na sa Kuwait nitong Biyernes ng hapon ang ilang mataas na opisyal ng DFA para tutukan ang natitirang dalawang araw ng amnesty program ng Kuwait.-- FRJ, GMA News
