Inilunsad ng Department of Foreign Affairs nitong Huwebes ang passport ePayment Portal para matugunan umano ang dumadaming aplikasyon sa pasaporte. Kasabay nito, inanunsyo ni DFA Secretary Alan Peter Cayetano na mayroong 100,000 online application slots ang bakante.

 


Ayon kay Cayetano,  maliban sa makatutulong sa mga aplikante ang bagong sistema ng pagbabayad, nagiging paraan din ito para matiyak na sisipot ang aplikante sa itinakda niyang petsa ng pagpunta sa consular office ng DFA kung saan nagpatala ang aplikante.

CLick here: BASIC INFORMATION ON THE DFA EPAYMENT PORTAL

ADVERTISEMENT

Paliwanag niya, sa dating sistema kung saan sa tanggapan ng consular office nagbabayad ang aplikante, nasa 60 hanggang 65 porsiyento lang umano ng aplikante ang sumisipot sa DFA consular offices sa araw ng appointment.

Pero sa ginawa nilang pagsubok sa ePayment sa DFA Aseana sa Parañaque City, tumaas umano ang show-up rate ng aplikante sa 94-97 percent.

“With near 100 percent show-up rates and quicker turnaround of applicants at our consular offices, the DFA through ePayment will be able to serve more applicants daily, particularly those who need it the most,” sabi ng kalihim.

Dagdag pa niya, "We expect that no-shows in our consular offices will be significantly reduced, if not totally eliminated. By prepaying, applicants are encouraged to show up lest they forfeit their passport processing fee.”

Samantala, sinabi rin ng kalihim na 100,000 passport application slots ang bubuksan nila ngayong Huwebes. Ang unang 50,000 slots ay makikita umano ng publiko sa Huwebes ng tanghali, at ang karagdagang 50,000 ay ilalabas sa gabi [9 p.m].

Bukod dito, magkakaroon din umano ng 10,000 slots — 5,000 sa 12 tanghali at 5,000 sa 9 pm —  simula sa Lunes hanggang Sabado, maliban sa holiday.

Mula umano sa dating 10,500, itinaas umano ng DFA sa 19,000 ang kapasidad nila sa pagproseso ng mga pasaporte.

Sa naturang bilang 12,000 ang mula sa online passport system, 1,000 para sa first-time overseas Filipino workers mula sa mga licensed recruitment agencies, 4,000 naman sa passport on wheels applicants, at  2,000 sa walk-in applicants.-- FRJ, GMA News