Nauwi sa pambubugbog ang pagsita umano ng isang OFW sa pananampal ng kapwa niya Pinoy sa isang babae sa Hong Kong.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Miyerkoles, sinabi ng isa sa mga biktimang OFW na si Denise Lizo, na galing sila sa isang bar ng kaniyang kapatid na si Ricky nang makita nila ang Pinoy Muay Thai instructor na si Sebastian "Kid" Yip na may sinampal umanong babae.

Ayon kay Denise, sinita ng kaniyang kapatid si Yip dahil sa ginawa sa babae at lumapit din umano siya sa dalawa.

ADVERTISEMENT

Pero tinangka raw siyang sipain ni Yip, na hinampas naman ni Ricky sa ulo para protektahan siya.

Kasunod nito, gumanti naman ng suntok ang kasama umano ni Yip, na si Jay Primo Solmiano, na isa namang boksingero.

Tinamaan ng suntok si Ricky na dahilan para mawalan ng malay at bumagsak.

Nang makita ang nangyari sa kapatid, dinapaan umano ito ni Denise para protektahan pero nagpatuloy daw ang panggugulpi sa kanila nina Yip at Solmiano.

Nang dumating ang mga pulis, natigil ang kaguluhan at dinala sa ospital ang magkapatid.

"'Pag naaalala ko po... wala silang awa, mga professional sila e," hinanakit ni Denise, na patuloy na nagpapagaling kasama ang kapatid dahil sa tinamo nilang pinsala.

Ayon sa ulat, sinusubukan pang kunan ng pahayag ng nina Yip at Solmiano habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa Hong Kong sa insidente. --FRJ, GMA News