Sinalakay ng mga awtoridad ang isang opisina sa Maynila para arestuhin ang isang Japanese na sangkot umano sa human trafficking at mail order bride. Ang mga Pinay na ipinapadala ng suspek sa Japan, nasasadlak umano sa prostitusyon.
Sa John Consulta sa GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Jiro Saito, alyas Ken Suzuki," na inaresto ng mga tauhan ng International Airport Investigation Unit ng National Bureau of Investigation.
Nakita ng mga operatiba sa tanggapan ang may 30 folder ng mga Pinay na pinoproseso na umano ng suspek para madala sa Japan.
Natuklasan umano ang modus ng suspek nang mapansin ng mga taga-Immigration na April 6, 2018 ang nakalagay na petsa ng kasal sa marriage certificate pero ang nakatatak sa passport ng Hapon ay April 5 pa lang ay umalis na ito ng Pilipinas.
Paliwanag ng NBI, pinapalabas ng sindikato na na kasal sa isang Hapon ang mga pinapadala nilang mga Pinay papuntang Japan na bumabagsak sa prostitusyon.
Isang babae na galing sa Japan ang nagkuwento tungkol sa mga nangyayari sa mga Pinay na nabiktima ng sindikato.
Aniya, hindi nakatatanggi ang biktima kahit sa pakikipagtalik kapag ginusto ng "guest." Hindi rin umano makauuwi ng Pilipinas ang biktima kapag hindi pumayag ang "guest."
Itinanggi naman ng suspek ang mga akusasyon laban sa kaniya. -- FRJ, GMA News
