Inihayag ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na bukas pa rin ang aplikasyon para sa mga nais magtabaho bilang nurse at medical technician sa Middle East nang walang babayarang placement fee.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing 1,000 specialist nurse na babae ang kailangan sa KSA, at 150 emergency medical technicians naman hinahanap sa Abu Dhabi sa United Arab Emirate.
Dahil gobyerno sa gobyerno ang usapan, sinabi ng POEA na protektado ang karapatan ng mga Pinoy at walang sisingiling placement fee.
"Dito sa 1,000 female specialist nurses po natin ang benepisyo po na ino-offer ng Kingdom of Saudi Arabia ay paid annual vacation with free roundtrip economy ticket as well as free food and accommodation," sabi ni Ventura Plan, deputy administrator ng POEA.
Aabot umano sa mahigit P58,000 ang katumbas na buwanang sahod ng mga matatanggap at puwede pang tumaas bawat taon.
Oktubre umano nagsimulang tumanggap ng aplikasyon ang POEA para naturang mga trabaho pero kulang pa raw ang nag-a-apply.
Mga specialist nurse ang hanap sa KSA o ang mga may alam sa operating room, emergency room at iba pang larangan.
Kabilang sa mga kailangang requirements sa mga aplikante ay dapat tapos ng kursong BS Nursing, may aktibong PRC (Professional Regulation Commission) license at may dalawang taon na job experience bilang nurse.
Makikita ang kumpletong listahan ng requirement sa website ng POEA.
Sa November 9 ang deadline ng pagpapasa ng aplikasyon sa regional offices at November 16 naman sa main office. --FRJ, GMA News
