Nahaharap ngayon sa reklamo ang isang Pinoy na nagtatrabahong taxi driver sa Kuwait dahil sa pagtulong niya sa mga kababayang OFW na minamaltrato ng kanilang amo.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing nahaharap sa kasong "kidnapping" si Jelamar Fuentes, tubong-Davao City, na kilala sa kaniyang Facebook account bilang si "Dave."

Ang ibang OFW na nagpapasaklolo sa kaniya at kaniyang natulungan, ipinapadaan umano sa pamamagitan ng chat sa kaniyang FB account.

Pinakahuli ang isang domestic helper na nagpasaklolo sa kaniya dahil hindi umano pinapasahod ng amo at minamaltrato pa.

Sa palitan ng chat messages, nagpasundo ang OFW kay Fuentes sa ibinigay nitong address.

Gayunman, labag sa batas ng Kuwait ang ginagawa ni Fuentes. Katunayan, nagkaroon ng sigalot ang relasyon ng Pilipinas at Kuwait nang sunduin ng ilang tauhan ng embahada ang mga nagigipit ng OFWs.

Matapos ang negosasyon, naayos ang gusot sa pamamagitan ng Memorandum Of Understanding. Nagtalaga rin ng 24/7 na hotline ang Kuwait para sa mga nagpapasaklolong kasambahay na agad namang rerespondehan ng kanilang pulisya.

Sa kabila ng nangyari sa kaniya, hindi raw nagsisisi si Fuentes sa pagtulong sa kaniyang mga kababayan.

"Hinding-hindi talaga ako natatakot. Wala naman akong itinatago na ilegal. Walang problema basta 'yung kababayan natin natulungan ko lang," sabi ni Fuentes.

Sa ngayon, hawak na siya ng Office of the Domestic Welfare Affairs, at nagsumite na siya ng affidavit.

"Mukhang ang chinarge sa kaniya is parang kidnapping. We will provide the legal assistance for him," sabi ni Chargé d'Affaires Mohammad Noordin Lomondot.-- FRJ, GMA News