Sa pagdiriwang ngayon ng kapaskuhan, may pamilya ng mga overseas Filipino worker ang magiging masaya at may magiging malungkot. Ito ay dahil may mga aalis at may umuuwi ng bansa, ilang araw bago ang Pasko.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing kabilang ang OFW na si Syren Bernas, sa mga Filipino na dumating sa bansa kanina.
Kaagad na niyakap nang mahigpit ni Bernas ang anak niyang na na kasamang sumalubong sa kaniya sa airport.
Ayon kay Bernas, ngayon lang uli siya magpapasko sa Pilipinas at makakasama ang kaniyang pamilya sa loob ng mahabang panahon.
"Tatlo't kalahating taon na hindi ko sila nakita," masayang saad ni Bernas.
Labis din ang tuwa ng OFW na si Ems Pineda nang makita ang nobyo na sumalubong sa kaniya sa paliparan na may dala pang bulaklak.
"Na-shock po. 'Di ako makapaniwala, 'di ko po inexpect," sabi ng dalaga.
Ayon sa Bureau of Immigration, umaabot sa 100,000 na pasahero kada araw ang sineserbisyohan ng mga paliparan ng bansa mula nang pumasok ang buwan ng Disyembre.
Inaasahan na dadami pa ito bago mag-Bagong taon. Malaking tulong daw ang mga bagong lagay na electronic gates para mapabilis ang pagproseso sa mga pasahero mula 45 segundo at naging 15 segundo.
Pero kung marami ang umuuwi, marami rin ang malungkot na aalis para magtarabaho sa ibang bansa.
Kabilang sa mga umalis si Michelle Reyes na bakas ang lungkot nang hagkan ang kasintahang para magtrabaho sa Dubai.
Umaasa si Reyes na magiging masaya pa rin ang selebrasyon ng kaniyang mga mahal sa buhay kahit malayo siya sa kanila.
Tanggap naman ng kaniyang nobyo na si Manix Saberon ang kanilang sitwasyon at dapat umanong harapin ang reyalidad na kakailanganin na magkahiwalay at hindi sila magkakasama sa ilang mahahalagang okasyon tulad ng Pasko.
Samantala, nasa 109 na distressed OFWs na mula sa Saudi, Arabia ang makakapiling ang kani-kanilang pamilya ngayong Pasko sa Pilipinas matapos silang matulungan na makauwi.
Sa pahayag ng Department of Labor nitong Biyernes, sinabi ni Overseas Workers Welfare Administrator Hans Leo Cacdac, na nakatanggap ng package of assistance ang OFW, kasama ang P20,000 financial.
“These were the directives from Labor Secretary Silvestre Bello III. We hope that this can help them cope with the daily expenditures,” sabi ni Cacdac.
Kabilang umano sa mga OFW na dumating noong Disyembre 8 ang 88 OFWs na nagtatrabaho sa Azmeel Company sa Al Khobar na naapektuhan ng lockdown.
Mayroon ding 18 OFWs mula sa Rakan Trading Contracting Company, at apat na manggagawa ng Samama Company, na nagpasyang umuwi matapos na hindi sundin ng kanilang mga amo ang nakasaad sa kanilang kontrata.
"Our repatriated OFWs also have the opportunity to apply for a livelihood assistance. A seminar will be arranged for them and they will be required to submit their respective business plans. We will teach them how to do it,” sabi ni Cacdac.--FRJ, GMA News
