Puntirya umano ngayon ng mga illegal recruiter ang mga menor de edad na nangangarap na mangibang-bansa para makapagtrabaho.

Ayon sa ulat ni JP Soriano sa GMA "24 Oras" nitong Martes, pinepeke ng mga mapanamantalang recruiter ang mga dokumento ng mga menor de edad at sinasanay pa sa isang safehouse kung paano kumilos at magsalita para hindi mabuko ang tunay nilang edad.

Ang modus, ipinapagamit umano sa mga menor de edad ang birth certificate ng kanilang mga nakatatandang kapatid o 'di kaya naman ay sadyang dinodoktor ang aktuwal na dokumento ng kanilang mga biktima.

Isa sa mga biktimang nagbahagi ng kuwento ang 16-anyos na si "Fatima," hindi niya tunay na pangalan.

Nahimok daw siyang makipagsapalaran sa Saudi Arabia para maiahon sa kahirapan ang kaniyang pamilya.

Pinangakuan umano siya ng P30,000 na sweldo kada buwan kapalit ng kaniyang pagseserbisyo bilang kasambahay sa ibang bansa.

Subalit kahit napeke ang kaniyang mga dokumento para makalabas ng Pilipinas, naharang pa rin siya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Mayo 2018 dahil sa pagiging alisto ng mga tauhan sa paliparan.

Nadiskubre rin kalaunan na ibang pangalan ang nakasaad sa kaniyang mga dokumento.

Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), 23-anyos ang pinakamababang edad ng mga Pilipino na pinapayagang maging kasambahay sa ibang bansa para masigurong husto na ang kanilang emotional maturity.

Noong nakaraang taon, mahigit 28,000 nabiktima ng human trafficking ang naharang ng Bureau of Immigration sa NAIA.

Sa bilang na ito, 150 ang mga babaeng menor de edad.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ginagawa nila ang lahat ng makakaya katuwang  ang iba pang ahensya ng gobyerno para sugpuin ang human trafficking sa bansa pero may ilang pandarayang sadyang mahirap kilatisin.

"Some cases, medyo advanced 'yung forgery, medyo nahihirapan din ma-detect. But of course, aside from this we could also check based on the appearance of passport applicant and our personnel also conduct interviews," ayon kay DFA Assistant Secretary Elmer Cato.

Iniimbestigahan din umano ng Philippine Statistics Authority ang mga kasong nai-report kaugnay ng mga dinayang birth certificate na nailabas ng ahensiya.-- FRJ, GMA News

 

Tags: