Libo-libong manggagawa umano ang kailangan ngayon sa bansang Poland. Bukod sa magandang sahod, may pag-asa pa raw na madala ng manggagawa ang kaniyang pamilya sa naturang bansa pagkaraan ng limang taon.
Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng Philippine Association of Service Exporters Incorporated, na may mga trabaho rin sa Poland na puwedeng aplayan kahit walang experience ang aplikante at hindi skilled worker.
Kabilang daw sa mga bakanteng trabaho sa nabanggit na bansa na maaaring aplayan ay nasa manufacturing sector, fish and meat processing, information technology o IT personnel at heavy duty truck drivers.
"Hindi kailangan na kayo ay highly skilled. They need a lot of people na unskilled at they will assign in manufacturing companies," sabi ni Elsa Villa, presidente ng Pasei.
Kung tatagal ng limang taon ang manggagawa sa pinapasukan niyang trabaho, maaaring siyang mag-aplay ng residency status para madala niya sa Poland ang kaniyang pamilya.
"Workers who have worked straight five years with one employer will be entitled to apply for residency," sani Villar. "Pag residency puwede mong madala ang pamilya mo doon."
Maganda umano ito sa mga nagsisimula pa lang ng pamilya dahil libre raw sa Poland ang edukasyon at maging ang pagpapaospital.
Sabi pa sa ulat, nangangailangan din daw ng construction workers at factory workers sa ang Czech Republic.
"Croatia is also open. There are many countries now in Eastern Europe who are opening their doors for skilled and unskilled people," sabi ni Villa.
Pero paalala ng Philippine Overseas Employment Administration tiyaking lisensyado ng POEA ang recruitment agency at alamin din kung may job order sila sa mga bansang nais na aplayan.
Makikita rin umano sa website ng POEA ang mga job opening at accredited recruitment agencies.
Babala pa ng POEA, huwag makikipagtransaksyon lang sa telepono at huwag basta maniniwala sa mga nagpapakilalang recruiter sa social media.-- FRJ, GMA News
