Bilang na nga ba ang araw ng libo-libong Overseas Filipino Workers sa Saudi Arabia?

Sa panibagong abiso ng pamahalaan ng Saudi, hindi na ire-renew ang residence permit ng ating mga OFW sa tatlumpu't limang mga skill category, ayon sa ulat ni JP Soriano sa 24 Oras ngayong Huwebes.

Kabilang dito ang mga pharmacist, security guard at mga trabahong opisina tulad ng human resource at administrative manager.

Karaniwang dalawang taon ang kontrata ng mga OFW sa Saudi at base sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration.

May mahigit 300,000 na ofw ang umalis patungong saudi noong 2017 at 2018 at maaaring pa-expire na ang mga kontrata, kasabay ng kanilang residence permit.

Bukod sa mga naroon na, apektado rin nito ang iba pang mga nais magtrabaho sa Saudi.

Kasama rin sa abiso ng Saudi government ang pagpapauwi na sa mga manggagawang Pinoy na nasa edad 35 hanggang 54 years old na, pero hindi nga lang malinaw sa ngayon kung saklaw nito ang lahat ng uri ng propesyon doon.

Lahat ng ito, bahagi ng Saudization o pagbabawas ng mga dayuhang manggagawa sa Saudi para mabigyan ng trabaho ang kanilang mga mamamayan.

Bilang isang physical therapist sa Saudi, ramdam na ni Romela Galanza ang Saudization sa pinagtatrabahuhang ospital.

Marami na raw trabahong dati ay sa Pinoy pero napunta na sa Saudi nationals.

Handa naman daw ang Department of Labor and Employment sa financial at livelihood assistance para sa mga mawawalan ng trabaho bunsod ng Saudization.

Payo nila sa mga Pinoy roon, wag nang makipagsapalaran at illegal na manatili roon at tutulungan naman daw silang humanap ng ibang bansang pwedeng mapagtrabahuhan. —JST, GMA News