Huli sa entrapment operation sa Tagaytay ang isang babae na pinangakuan umano ng trabaho sa New Zealand ang kaniyang mga nabiktima kapalit ng P400,000 na processing fee at show money. Ang mga biktima, nabaon na sa utang, nagbitiw pa sa kanilang mga trabaho.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang naarestong suspek na si Danica Dela Cruz Nwanguma, 28-anyos.

Inilatag ng PNP-CIDG ang entrapment operation sa isang kainan sa Tagaytay matapos magreklamo ang mga biktima na hindi pa rin sila nakakaalis patungong New Zealand kahit nakapagbigay na sila ng P200,000 na unang hiningi umano ng suspek.

Sa halip na makaalis, muli raw humingi ng P200,000 ang suspek sa kanilang mga biktima para naman daw gamitin bilang "show money."

Nang iabot ng mga biktima ang pera, kaagad na kumilos ang mga operatiba para arestuhin si Nwanguma.

Ayon sa CIDG-Cavite Provincial Field Unit, pinangakuan ng suspek ang mga biktima ng trabaho sa New Zealand na pharmacy assistant na sasahod daw ng NZ$2,500 o nasa P85,000 kada buwan.

"Ayon sa mga victim, nakapagbigay na sila ng more than P200,000 as processing fee. Recently, hinihingan ulit sila ng more than P200,000 as show money," sabi ni Police Lieutenant Colonel Ricky Neron, Provincial Chief /CIDG-Cavite.

Kuwento ng isang biktima, nahikayat silang mag-apply sa suspek dahil wala raw itong hininging bayad maliban sa processing fee.

"Halos lahat po, inutang namin para lang mapabilis ang pag-alis namin," ayon sa biktima.

Bukod sa nabaon sa utang, nag-resign pa raw sila sa trabaho dahil sa akalang makakapagtrabaho sila sa ibang bansa.

Payo ng mga biktima at maging ng pulisya, huwag basta magtitiwala at laging alamin kung lehitimo ang kanilang katransaksyon sa aaplayang trabaho sa abroad.

Hindi humarap sa camera at tumangging magkomento ang suspek kaugnay sa mga reklamo laban sa kaniya.-- FRJ, GMA News