Matapos ang 16 na taon na pagtatago sa batas, naaresto na ang isang babaeng wanted sa umano'y investment scam. Ang hitsura ng suspek, malayong-malayo na sa hitsura niya noon makaraang magparetoke daw ng mukha, nagpaputi at nagpapayat.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Irma Digman, na wanted sa mga kasong estafa mula pa noong 2004. Gumagamit din siya ng mga pangalang Irma Tow-le at Sarah Jane Saavedra.
Pero kahit malaki na ang pagkakaiba niya sa hitsura niya noon, nadakip pa rin siya ng mga tauhan ng Eastern Police District, Special Operations Unit.
"Malaki na ang ipinagbago ng kaniyang hitsura, halata mo na talagang mayroon siyang intensyon na ikubli ang kaniyang hitsura," sabi ni Police Staff Sergeant Ed Rommel Fajutag ng EPD - DSOU.
Ayon kay Fajutag, nagpapanggap umano si Digman na kontratista sa mga proyekto ng gobyerno at maghahanap na kaniyang bibiktimahin na gustong mamuhunan.
"'Pag nakumbinsi na niya ang mga potensiyal niyang magiging biktima at kapag ito’y nakapagbigay na sa kaniya ng halaga ng pera na napag-usapan nila, bigla na lang itong maglalaho na parang bula," anang opisyal.
Kabilang umano sa mga nabiktima ng suspek ang isang OFW na nadala raw sa husay ng pagsasalita ni Digman, maayos na bihis at lifestyle.
"Dinahan-dahan ako, 'Kailangan na nating umpisahan... May babayaran tayong ganitong tao, kailangan bigyan natin si secretary ganito,'" lahad ng biktima.
Natangay umano ni Digman sa OFW ang aabot sa P13 milyon na naipon nito sa halos 18 taong pagtatrabaho sa Iraq at Afghanistan.
"Sinira ang buhay ko. Muntik akong makipaghiwalay sa asawa ko, ang mga anak ko muntik nang hindi makapag-aral... Sinira talaga kasi pinagtrabahuhan ko nang matagal, mga anak ko nasa magandang eskuwelahan tapos hindi na makapasok," hinanakit ng biktimang OFW.
Ayon sa pulisya, limang biktima na ang humarap na sa kanila at nagsabing aabot sa P100 milyon ang nakuha sa kanila ni Digman, na nahaharap sa mga kasong syndicated estafa at paglabag sa bouncing check law.
"Aside from the six cases na nadiscover namin na mayroon siyang warrant of arrest, mayron pa siyang other pending cases. So medyo madami so hindi siya makakalabas basta basta," sabi ni Police Colonel Moises Villaceran, na hinikayat ang iba pang nabiktima ni Digman na magsampa ng kaso.
Tumanggi naman ang suspek na magbigay ng komento at sinabing abogado na lang niya ang kausapin.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
