Dalawang Pinay ang nakalabas ng Wuhan City sa China ilang oras matapos itong i-lockdown ng kanilang pamahalaan dahil sa kumakalat na 2019 Novel Coronavirus. Paglalarawan ng isa sa kanila sa sitwasyon doon, "It’s like an apocalypse."

Sa exclusive report ni Anthony Esguerra ng Stand For Truth sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, itinago sa pangalang "Bhie" at "Cindy" ang dalawang Pinay nakalabas sa Wuhan. Hindi na rin ipinakita ang kaniyang mga mukha para sa kanilang proteksyon.

Kuwento nina Bhie at Cindy, hatinggabi bago ang lockdown, nakatanggap sila ng text message sa isang kaibigan tungkol sa ipatutupad na lockdown sa lungsod pagsapit ng 10:00 a.m. Ibig sabihin, hindi na papayagan ang mga biyahe ng iba't ibang uri ng transportasyon palabas ng lungsod .

Dakong 6:00 am umano nang makumpirma nila na mangyayari ang lockdown kaya nag-unahan ang mga tao na makasakay sa anumang sasakyan na lalabas ng lungsod.

Masuwerte raw silang nakaupa ng sasakyan na maghahatid sa kanila sa kalapit na lungsod.

"We’re feeling that it’s safe now cause we have left Wuhan na ngayon ay naka-lockdown na. It was really a chaos. It’s like an apocalypse. We actually thought we’re never gonna get out of Wuhan this morning," saad nila.

Sa Hong Kong daw muna mananatili ang dalawa bago lumipad pauwi ng Maynila.

Handa naman daw silang magpasuri at magpa-quarantine kung kinakailangan pagbalik nila sa Pilipinas.

Sa kabila ng lockdown, pinili naman ng Phd student at UP propesor na si Robert Go, na manatili sa Wuhan para hindi na magkaroon ng problema sakaling umalis siya.

Pero pagtiyak niya, hindi siya nagtataglay ng virus.

"Because i’m coming from Wuhan I don’t want to be the carrier of the virus, as far as I know I don’t have the virus with me. Para 'di na lang din magkaroon ng concerns," paliwanag niya.

Ayon kay Go, sarado na ang mga establisemyento sa lungsod , maging ang mga restaurant at kanselado na ang public events.

Ayon umano sa Philippine Embassy sa Beijing, apat na Pilipino lang ang nakatala sa kanila na nasa Wuhan pero hindi nila inaalis ang posibilidad na mas marami ito.

Sinabi rin ng embahada, na wala pang Pinoy sa Wuhan ang infected ng kinatatakutang virus at handa raw silang tumulong kung sakaling mayroong magkakasakit.

Ang Wuhan ang epicenter o pinagmulan ng bagong uri ng coronavirus na nagdulot ng outbreak sa lungsod kung saan nasa 400 katao na ang nagkasakit at may 17 ang nasawi.

Nakarating na rin ang virus sa Thailand, South Korea, Japan, Amerika, ngayon ay maging sa Singapore. --FRJ, GMA News