Tatlong namamahala sa Kingdom of Jesus Christ church ni Pastor Apollo Quiboloy sa Los Angeles sa Amerika ang inaresto ng mga operatiba ng Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa umano'y human trafficking, ayon sa ulat ng ABC News nitong Huwebes.
Sinalakay ng mga awtoridad ang naturang simbahan matapos na may magsampa ng reklamo laban kina Guia Cabactulan, Marissa Duenas, at Amanda Estopare.
Batay sa impormasyon mula sa mga imbestigador, sinabi sa ulat na pinipilit umano ng mga suspek ang kanilang miyembro na manghingi o mag-solicit ng pera para sa isang children's foundation na umano'y front.
Pero ang nalilikom na pera ay napupunta umano sa operasyon ng simbahan.
"KOJC workers often slept in their car overnight, parked at truck stops, or occasionally stayed in a small hotel room during their operations,” ayon sa reklamo.
Sabi pa sa ulat, mula 2013, inaasikaso umano ng simbahan ang mga visa ng kanilang miyembro na pinapalabas daw na mga musical performer para sa mga pagtitipon sa Amerika.
Pero kinalaunan ay ginagawa umanong "volunteers" para mag-solicit ng donasyon at may quota.
Ayon sa FBI, itinatabi umano ang mga pasaporte ng "volunteers'" at pinapanatili sila sa bansa sa pamamagitan daw ng pagpapakasal at pag-enrol sa eskwelahan.
Mahaharap ang tatlo sa kasong immigration fraud.
Noong Abril 2018, inimbestigahan din ng FBI ang naturang simbahan dahil sa umano'y pagdadala ng miyembro sa Hawaii para magbenta ng pagkain na bahagi pa rin ng fundraising activities ng grupo.
Dati nang itinanggi ng abogado ni Quiboloy ang mga paratang laban sa simbahan at iginiit na wala silang pinipilit na miyembro.
Patuloy na hinihintay ng GMA News Online ang reaksyon ng KOJC sa panibagong alegasyon laban sa kanilang simbahan. —FRJ, GMA News
