Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakahanda silang i-repatriate ang mga Pinoy sa China sa harap ng banta sa kalusugan dulot ng 2019 novel-coronavirus (2019 n-CoV) outbreak.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ng DFA na plano nilang kunin ang unang grupo ng mga Pinoy na nais umalis ng China sa susunod na linggo. Pero dapat umanong naaayon sa patakaran ng disease containment ng China ang gagawing repatriation.

Kabilang dito ang pagkuha ng immigration clearances, pagdaan sa quarantine process, at iba.

"Filipinos in Wuhan City and the rest of Hubei province will be afforded priority in the first batch of repatriates. Filipinos who wish to be included in the first batch should contact the Philippine Embassy in Beijing or the nearest Consulate General in their area by 3 February 2020, Monday," ayon sa pahayag.

Kapag dumating sa Pilipinas ang mga nailikas na Pinoy, sinabi ng DFA na kailangan silang sumailalim sa 14 days mandatory quarantine na itinakda ng Department of Health.

Nitong Huwebes, kinumpirma ng DOH na isang babae na mula sa Huwan ang unang kaso ng nCoV sa Pilipinas. Dumating sa bansa ang pasyente, na isang turista, noong Enero 21, mula sa Hong Kong.

Umabot na sa mahigit 7,000 ang kaso ng nCoV sa China, at nasa 170 na ang nasawi.

Sa kabila nito, sinabi ni  Sen. Bong Go, chairman of the Senate Committee, hindi nararapat na i-ban ang pagpasok ng mga Chinese sa Pilipinas.

"Sa ngayon, wala pa pong desisyon ang ating Pangulo [Rodrigo Duterte] na i-ban yung pagpasok ng lahat ng Chinese nationals kasi hindi lang naman po ang China ang tinamaan ng virus na ito. May ibang bansa rin po na tinamaan," paliwanag ni Go.--FRJ, GMA News