Dahil sa novel coronavirus outbreak sa China, nagbukas ng online hotline ang Department of Health (DOH) at Department of Foreign Affairs (DFA), para sa mga Pinoy sa naturang bansa na mangangailangan ng tulong.

Ang naturang hotline ay iginawa sa pamamagitan ng downloadable mobile application WeChat. Sa pamamagitan ng pag-scan sa QR code, makikita na ang naturang linya ng komunikasyon.

"All calls and messages made via said WeChat hotline will be received and responded by Filipino doctors, psychologists, and nurses trained on crisis intervention," ayon sa pahayag ng DFA.

"This communication line will deal with queries on the health aspect of the 2019-nCoV as well as provide psychological support to the Filipinos in China in the midst of the said threat to health," dagdag nito.

Nitong Lunes, umabot na sa 350 ang nasawi sa China dahil sa novel coronavirus, at mahigit 11,000 ang tinamaan ng sakit.

Naitala naman sa Pilipinas ang kauna-unahang infected ng virus na nasawi sa labas ng China. May isa pang positibong kaso ng nCoV na isang Chinese.

Una rito, iniutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pansamantalang travel ban ng mga manggagaling mula sa mainland China, at sa mga teritoryo nitong Hong Kong, at Macau.

Samantala, ang mga Pinoy na uuwi sa Pilipinas galing sa China ay kailangang sumailalim sa 14-day quarantine. --FRJ, GMA News