Inihayag ng Department of Health (DOH) nitong Lunes na kasama ang Taiwan sa temporary travel restrictions kaugnay sa problemang dulot ng 2019 novel coronavirus (nCoV).

“Since we have a temporary travel restriction on China, then Taiwan is included,” sabi ni Health Undersecretary Eric Domingo.

Bago nito, sinabi ni Health Undersecretary Gerardo Bayugo na hindi pa napagkakasunduan o wala pang pinal na desisyon na isama ang Taiwan sa travel ban.

Pero sinabi ni Domingo na nitong huling bahagi ng nakaraang linggo sinimulang ipatupad ang paghihigpit sa mga manggagaling sa Taiwan.

“As of now, as a part of the restriction of travel from China, Taiwan is included,” giit niya.

“When we asked the World Health Organization very, very clearly, they always refer to just one China and Taiwan is included, even in their official reports,” dagdag ni Domingo.

Sa ilalim ng kautusang ipinatupad ng Malacañang tungkol sa travel ban, ipinagbabawal muna ang pagpasok sa Pilipinas ng mga manggagaling China, Hong Kong, at Macau.

Ang mga Pinoy na uuwi mula sa mga nabanggit na bansa ay kailangang sumailalim sa 14-day quarantine.

Iniulat nitong Linggo na mayroon 18 kompirmadong nCoV cases sa Taiwan.

Sa Pilipinas, mayroong tatlong kompirmadong kaso ng nCoV na pawang mga Chinese. Isa sa kanila ang pumanaw, habang gumaling na umano ang dalawa.

Mayroon naman 300 iba pa iniimbestigahan dahil sa hinalang infected sila ng virus.—FRJ, GMA News