Hiniling na umano ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa Department of Health (DOH) na payagang makaalis ng bansa ang mga OFW na papuntang Taiwan.

“For those who are affected by the travel ban in Taiwan, we ask for your patience and in a few days, there will be a review. While waiting for the lifting of the ban, we are providing financial assistance,” sabi ni Bello sa isang pahayag nitong Huwebes.

Kabilang ang mga OFW sa mga naapektuhan ng ipinatupad na travel ban ng Pilipinas sa Taiwan bilang pag-iingat sa 2019 novel corona virus.

Bukod sa Taiwan, umiiral din ang travel ban sa China, Macau at Hong Kong. Dahil sa ban, bawal munang pumasok ang mga dayuhan na galing sa nabanggit na lugar, habang kailangang sumailalim sa quarantine ang mga Pinoy na uuwi ng Pilipinas.

Tiwala naman si Bello na maaalis kaagad ang travel ban sa Taiwan.

“We are seeking understanding from our OFWs because the implementation of a temporary ban by the DOH is for your own safety as well. We hope for a possible lifting of the ban in a few days,” anang kalihim.

Sinabi rin ni Bello na ang mga OFW na miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at maaapektuhan ng travel ban ay makatatanggap ng P10,000 financial assistance.

Nagpahayag ng pangamba ang ilang recruitment agency na baka mawalan ng trabaho ang mga OFW sa Taiwan kapag nagtagal ang ban at kung hindi kaagad makababalik ang mga OFW na nagbakasyon sa Pilipinas.--FRJ, GMA News