Matapos  ang isang taon, nakauwi na sa bansa ang isang Pinay na nagtrabahong kasambahay sa Saudi Arabia na pinagmalupitan na ng kaniyang amo, inabuso at ibinenta pa ng kaniyang ahente sa ibang amo.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong  Huwebes, sinabing naging madamdamin ang muling pagkikita ng OFW na itinago sa pangalang Bea at kaniyang mga kaanak nang dumating siya sa Pilipinas.

Isa lang si Bea, tubong Pangasinan, sa sampung distressed OFWs na tinulungan ng Overseas Workers Welfare Administration na makauwi sa bansa.

Napag-alaman na 2017 nang nangibang-bansa si Bea at namasukan bilang kasambahay para maitaguyod ang tatlo niyang anak.

Pero noong Pebrero 2019, lumabas ang video ni Bea na nananawagan ng tulong dahil sa nararanasang pagmamalupit ng kaniyang amo.

Bukod sa sinasaktan at ginugutom ng amo, hinalay din umano siya ng kaniyang agent at ibinenta sa iba pang amo.

Kuwento ni Bea, dalawang beses pang nalagay sa peligro ang kaniyang buhay sa kamay ng kaniyang amo.

Nang makarating sa embahada ng Pilipinas ang sinapit ni Bea, sinubukan nilang sagipin ang OFW noong Agosto 2019 pero hindi ito naging matagumpay dahil itinago siya ng kaniyang agent at amo.

Pero kalaunan, natakot rin daw ang kaniyang ikalimang amo kaya basta na lang siya pinakawalan sa kalsada. Nakahingi naman siya ng tulong sa mga kapwa-Pinoy hanggang sa na-rescue siya ng embahada noong Setyembre 2019.

Limang buwan na nanatili sa Bahay-Kalinga sa Saudi si Bea bago tuluyang nakauwi sa bansa.

"Masaya po kasi hindi ko akalain na makakauwi pa ako nang buhay," ayon kay Bea.

Saad naman ng kaniyang kapatid, "Akala namin hindi na siya makakauwi nang buhay.  Yung mga pinagse-send niyang video, voice clips, bugbog-sarado siya ma'am."

Ayon kay Joselyn Hapag, head, repatriation and assistance division,
pansamantalang mananatili sa kustodiya ng OWWA si Bea para sumailalim siya sa counselling bago siya pauuwiin sa kanilang bayan sa Pangasinan.

"Marami siyang pinagdaanan so immediately kailangan niya siguro ng psychosocial counselling. Kapag okay na siya then i-connect na namin siya sa regional office namin," sabi ni Hapag.

Pagkakalooban din si Bea ng pamasahe at cash assistance para makapagsimula ng buhay. --FRJ, GMA News