Umakyat na sa 27 ang Pinoy na sakay ng isang cruise ship sa Japan ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos na madagdag sa listahan ang 16 na Pinoy, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Lunes.
"The Department of Foreign Affairs, through the Philippine Embassy in Tokyo, reports that as of 16 February 2020, the number of Filipinos on board who have tested positive for COVID-19 is at 27," ayon sa pahayag.
Kabilang umano sa mga sakay ng cruise ship na Diamond Princess ang 538 Pinoy, 531 sa kanila ay crew member at pito ang bisitang pasahero.
"The Japanese Health Ministry announced that all crew and passengers on board will be tested beginning today, February 17, so that test results will be available by the time the ship’s quarantine period ends," dagdag ng DFA sa pahayag.
Papunta sana sa Yokohama ang Diamond Princess pero isinailalim sa quarantine ang mga sakay nito nang matuklasan na isa sa mga pasaherong galing sa barko ang positibo sa COVID-19.
Inihayag naman ng DFA na masusing nakikipag-ugnayan ang Philippine Embassy sa Japan sa mga kinauukulan para matiyak na napapangalagaan ang mga Pinoy at ligtas silang maiuwi sa Pilipinas.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na naghahanap na ang Department of Health ng quarantine facility na pagdadalhan sa mga Pinoy sa cruise ship kapag pinayagan silang makauwi na.
Aalamin umano kung puwede ring dalhin sa Athletes' Village sa New Clark City sa Tarlac ang mga Pinoy na nasa cruise ship sa Japan.
Umabot na sa 1,765 katao ang nasawi sa naturang virus na karamihan ay nasa Hubei province sa China. —FRJ, GMA News
