Nadagdagan pa at umakyat na sa 35 ang mga Pinoy na nagpositibo sa  coronavirus disease (COVID-19) na sakay ng Diamond Princess cruise ship na nakadaong sa Japan, ayon sa pahayag ng Department of Foreign Affairs.

Batay umano sa impormasyon mula sa Philippine Embassy sa Tokyo, sinabing walo pang Pinoy na pawang crew sa barko ang nagpositibo sa virus.

"The Filipinos who tested positive for COVID-19 were immediately transferred to Japanese hospitals and are now undergoing treatment," ayon sa pahayag.

Masusi naman umanong nakikipag-ugnayan ang embahada sa mga Pinoy na nasa ospital para alamin ang kanilang mga pangangailangan.

Nakatakda rin umanong ianunsyo ng Japanese government ang disembarkation procedures sa pagtatapos ng quarantine period sa mga sakay ng barko.

Tiniyak din ng DFA na nakikipag-ugnayan ang embahada sa pamahalaan ng Japan at pamunuan ng barko para sa maayos na pag-uwi ng mga Pinoy na hindi apektado ng virus.

Iniulat na kabilang ang 538 Pinoy sa mga nakasakay sa cruise ship, kung saan 531 sa kanila ay crew member at pito ang bisitang pasahero. --FRJ, GMA News