Umakyat na sa 41 ang mga Pinoy na sakay ng quarantined cruise ship na Diamond Princess sa Japan na positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa Department of Health (DOH) nitong Miyerkules, nadagdagan ng anim ang mga Pinoy sa barko na infected ng virus.

"Lahat ng nagpositibo na Pilipino ay crew members," pahayag ni Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire sa pulong balitaan sa Maynila.

"Kapag nagpo-positibo na po ang isang tao doon sa cruise ship, siya ay immediately dini-disembark at dinadala sa isang ospital na referral hospital nila doon sa Japan," paliwanag ng opisyal.

Mahit 500 ang Pinoy na miyembro ng crew sa barko, at pito naman ang pasaherong bisita.

Ngayong Miyerkules matatapos ang quarantine ng mga sakay sa barko.

Ayon kay Vergeire, tutulungang makauwi ang mga Pinoy sa Japan na nais bumalik ng Pilipinas pero kailangang negatibo sila sa virus at walang sintomas ng sakit.

"Lahat po ng ire-repatriate natin should be asymptomatic, ibig sabihin wala silang sintomas. Pangalawa, they should test negative bago sila sumakay doon sa chartered plane natin," pahayag niya.

Ang mga employer din umano ang sasagot sa pamasahe ng mga ito, ayon pa kay Vergeire.

Nais ng Inter-agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na gawing isang beses lang ang pagsundo sa mga Pinoy.

"It can be one or two carriers but we would want na isang batch lang silang darating nang sabay-sabay," saad ni Vergeire.

Pagdating sa bansa, dalawang linggo silang ika-quarantine pero hindi pa sinabi kung saan.

"Sa ngayon gusto lang muna naming mai-coordinate nang maayos sa ating local governments at communities na kasama natin doon," anang opisyal.

"Naiintindihan po namin ang mga local government sa kanilang mga agam-agam pagdating sa ganito," dagdag niya.

Matatandaan na umalma noon ang lokal na pamahalaan at ilang residente ng Capas, Tarlac nang gawing quarantine zone ang Athletes' Village sa New Clark City, kung saan dinala ang mga Pinoy na galing sa China. —FRJ, GMA News