Inihayag ng Philippine Embassy sa Seoul, South Korea na pinapangalagaan ng mga employer ang kaligtasan ng nasa 4,000 Filipino factory workers sa Daegu City sa harap ng tumataas na bilang ng mga taong dinadapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa nasabing lungsod.

"'Yun pong pinakaapektado na area ay 'yung area ng Daegu. 'Yan po ay higit 300 kilometers away from Seoul. Mayroon po tayo diyang—sa area na pinakamataas ang spike—mahigit 4,000 kababayan na mga factory workers," sabi ni Consul General Christian de Jesus sa panayam ng GMA News Unang Balita nitong Martes.

"Ang mga employer po mismo ang tumutulong sa mga employee para sila ay ligtas. Sila po ay nananatili sila kanilang dormitory at sa kanilang factory. Hindi na po lumalabas kung hindi na po kinakailangan," dagdag niya.

Sinabi pa ni De Jesus na nagbibigay ng mga face mask ang mga employer at tinitiyak na hindi masyadong sama-sama ang mga tao sa lugar ng trabaho.

Nitong umaga ng Martes, nasa mahigit 800 katao na sa South Korea ang positibo sa virus at pito na nasawi.

Sa labas ng China na pinagmulan ng virus, ang Japan at South Korea ang may naitalang may pinakamaraming kaso ng COVID-19.

Sa ngayon, sinabi ni De Jesus na walang Pinoy na nahawahan ng virus sa South Korea.

Paalala niya sa mga Pinoy na makararanas ng sintomas ng sakit, kaagad na makipag-ugnayan sa Korea Center for Disease Control and Prevention sa hotline 1339.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team," sinabi ng Pinoy na nasa Daegu na si Angelito Haber, na madalang ang mga tao na lumalabas ng kani-kanilang bahay.

Ilang establisimyemto rin umano ang sarado at marami ang bumibili ng mga panangga sa virus tulad ng face mask.

Bilang pag-iingat din, hindi na rin muna binubuksan ni Haber ang kaniyang restaurant at kakaunti rin lang naman daw mga taong naglalabasan.

Dahil sa pangamba sa virus, nais umano ni Haber na umuwi muna ng Pilipinas pero aalamin muna nila kung totoo ang natatanggap nilang impormasyon na kanselado ang mga biyaheng pauwi ng bansa.-- FRJ, GMA News