Ipinagbawal muna ng Qatar ang pagtanggap ng mga bibiyahe mula sa Pilipinas at 13 iba pang bansa bilang pag-iingat nila sa kumakalat na coronavirus disease (COVID-19).

Kasama rin sa ban ang China, Egypt, India, Iran, Iraq, Lebanon, Bangladesh, Nepal, Pakistan, Philippines, South Korea, Sri Lanka, Syria at Thailand.

Sinunspindi naman ng Qatar Airways ang kanilang biyahe sa Italy.

Mayroon nang 15 kaso ng COVID-19 sa Qatar nitong Linggo.

Sa Pilipinas, iniulat ng Department of Health na mayroon nang 10 kaso ng COVID-9. Dalawa sa mga ito ang gumaling na, at isa ang namatay.

Samantala, nagpaalala ang Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Linggo, na nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Philippine Embassy sa Abu Dhabi at Doha, at Philippine Consulate General sa Dubai, na may mga Pinoy na papunta sa Kuwait ang maaaring ma-stranded sa mga paliparan sa UAE at Qatar dahil naman sa travel ban na ipinatutupad ng Kuwait.

Inaalam na umano ng mga kinauukulang ahensiya ang kalagayan ng mga Pinoy na naapektuhan sa mga paliparan kung mayroon man, ayon sa pahayag ng DFA.

Ang mga Pinoy na maaapektuhan ng naturang ban sa mga paliparan sa UAE at Qatar at mangangailangan ng tulong ay may maaari umanong tumawag sa mga sumusunod na contact numbers:

- Philippine Embassy in Abu Dhabi, UAE: (+971) 50-207-9988; (+971) 50-207-9898; (+971) 50-443-8003
- Philippine Embassy in Doha, Qatar: (+974) 4483-2560; (+974) 6644-6303
- Philippine Consulate General in Dubai, UAE: (+971) 55-501-5755; (+971) 55-501-5756; (+971) 4-220-7100

Sinabi rin ng DFA na pansamantala ring sinuspindi ng Kuwait International Airport (KWI) ang mga biyahe mula sa Pilipinas, Bangladesh, Egypt, India, Lebanon, Sri Lanka, at Syria.-- FRJ, GMA News