Dalawang Filipino sa Lebanon ang nagpositibo sa kumakalat na coronavirus disease (COVID-19), ayon sa Department of Foreign Affairs. Samantala, isa pang Pinoy naman ang nadagdag sa listahan ng mga nahawahan ng virus sa Hong Kong.
Sa pulong balitaan sa Malacañang nitong Lunes, sinabi DFA Assistant Secretary Eduardo Meñez na kasalukuyang naka-quarantine sa isang ospital sa Beirut ang dalawang Pinoy.
Una rito, sinabi ng DFA na mayroon ding mga Pinoy sa Hong Kong, United Arab Emirates at Singapore, ang nahawahan ng virus.
Nitong Linggo, sinabi ng Philippine Consulate sa Hong Kong na apat na ang Pinoy ang nagpositibo sa COVID-19 sa naturang special administrative region ng China.
Sa apat na Pinoy, dalawa na ang gumaling, habang nasa mabuting kalagayan naman at asymptomatic ang dalawa pa. — FRJ, GMA News
